Skip to content
Gabay sa pagpapasuso 2025

Gabay sa pagpapasuso 2025

Ang pagpapasuso ay isang napakahalagang regalo na maibibigay ng ina sa kanyang sanggol. Hindi lamang ito nagbibigay ng tamang nutrisyon, kundi nagpapatibay din ng ugnayan ng ina at anak. Subalit, may mga hamon na kasama ang pagpapasuso, tulad ng masakit na pagpapasuso, may sugat na utong, at mahapding pagpapasuso. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang iba't ibang aspeto ng pagpapasuso, mula sa tamang paraan at posisyon hanggang sa mga benepisyo nito, kasama na ang paglilinaw sa mga maling paniniwala sa pagpapasuso.

Tamang Paraan ng Pagpapasuso sa Sanggol

Ang pagpapasuso ay hindi lamang simpleng pagdikit ng sanggol sa dibdib ng ina. May tamang paraan upang masiguro na parehong komportable ang ina at sanggol. Narito ang ilang hakbang:

  • Siguraduhing tama ang pagkakadikit ng sanggol (latch). Dapat ay sakop ng bibig ng sanggol ang buong areola, hindi lamang ang utong. Ito ay makakaiwas sa masakit na pagpapasuso at may sugat na utong.
  • Panatilihin ang tamang posisyon. Ang ulo at katawan ng sanggol ay dapat nakahanay, at ang tiyan nito ay nakadikit sa tiyan ng ina.
  • Maging mapagpasensya. Sa simula, maaaring mahirapan ang sanggol na dumikit nang maayos, ngunit sa pagtutok at pag-eensayo, magiging natural ito.
Tamang Paraan ng Pagpapasuso sa Sanggol

Tamang Posisyon ng Pagpapasuso ng Sanggol

Ang tamang posisyon ay mahalaga upang masiguro na epektibo ang pagpapasuso at maiwasan ang mahapding pagpapasuso. Narito ang ilang karaniwang posisyon:

  • Cradle Hold: Ito ang pinakakaraniwang posisyon. Ang ulo ng sanggol ay nakasandal sa braso ng ina, habang ang katawan nito ay nakahiga sa tiyan ng ina.
  • Football Hold: Mainam ito para sa mga inang nanganak sa pamamagitan ng cesarean section. Ang sanggol ay nakahiga sa gilid, na parang hawak na bola. Mahalaga na gumamit ng unan upang suportahan ang bigat ng sanggol at maiwasan ang pananakit ng likod ng ina.
  • Side-Lying Position: Perfect ito para sa gabi o kapag gusto ng ina na magpahinga habang nagpapasuso. Parehong nakahiga ang ina at sanggol sa kama.
Tamang Posisyon ng Pagpapasuso ng Sanggol

Tamang Oras ng Pagpapasuso sa Sanggol

Ang mga sanggol ay dapat pasusuhin on-demand, lalo na sa unang anim na buwan. Ibig sabihin, kapag gutom ang sanggol, dapat itong pasusuhin. Karaniwan, ang mga sanggol ay nagpapasuso tuwing 2-3 oras, o 8-12 beses sa isang araw. Habang lumalaki ang sanggol (4-6 months pataas), maaring dahan dahang gabayan ang bata sa regular na pagpapasuso, para makatulong sa pag iwas ng sobrang pagkapagod ng ina.

10 Benepisyo ng Pagpapasuso

Ang pagpapasuso ay hindi lamang nakakatulong sa sanggol, kundi pati na rin sa ina. Narito ang 10 benepisyo nito:

  • Kompletong sustansya para sa sanggol. Ang gatas ng ina ay naglalaman ng lahat ng nutrients na kailangan ng sanggol.
  • Proteksyon laban sa sakit. Ang antibodies sa gatas ng ina ay nagpapalakas ng immune system ng sanggol.
  • Mas malusog na paglaki. Mas mababa ang tsansa ng obesity at diabetes sa mga batang pinasuso.
  • Mas matalinong bata. Ayon sa mga pag-aaral, may kaugnayan ang pagpapasuso sa bahagyang mas mataas na IQ, ngunit ang pag-aaral ay nagpapakita lamang ng kaugnayan at hindi nagpapatunay ng sanhi at bunga.
  • Mas mabilis na paggaling ng ina. Ang pagpapasuso ay nakakatulong sa pagbalik ng uterus sa normal na laki.
  • Mas mababang tsansa ng postpartum depression. Ang bonding sa pagpapasuso ay nakakapagpababa ng stress ng ina.
  • Tipid sa pera. Libre ang gatas ng ina, hindi tulad ng formula milk.
  • Eco-friendly. Walang basurang nabubuo tulad ng mga bote at lata ng formula.
  • Mas malapit na relasyon. Ang skin-to-skin contact ay nagpapatibay ng ugnayan ng ina at sanggol.
  • Mas mababang tsansa ng breast at ovarian cancer. Ang pangmatagalang pagpapasuso(12 months pataas) ay nakakapagpababa ng panganib ng kanser sa suso ng 4-7% ayon sa mga pagaaral.

Eksklusibong Pagpapasuso

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sanggol ay dapat na eksklusibong pasusuhin sa unang anim na buwan. Ibig sabihin, walang tubig, formula, o anumang solid food. Pagkatapos ng anim na buwan, maaari nang magsimula ang complementary feeding, kasabay ng pagpapasuso hanggang sa dalawang taon o higit pa. May mga sitwasyon na kung saan ang ekslusibong pagpapasuso ay hindi nararapat. Katulad ng may mga sanggol na may mga metabolic na sakit(Galactosemia), at ang mga ina na may HIV(sa mga lugar na may limitadong resources). Ang mga sitwasyong ito ay nararapat na kumunsulta sa mga doktor.

Pagtigil sa Pagpapasuso

Ang pagtigil sa pagpapasuso ay dapat gawin nang dahan-dahan. Maaaring simulan sa pagpapakilala ng formula o solid food habang unti-unting binabawasan ang pagpapasuso. Mahalaga rin na maging handa ang ina at sanggol sa emosyonal na aspeto ng pagtigil. Ang biglaang pagtigil ng pagpapasuso ay pwedeng magdulot ng breast engorgement o mastitis. Kaya mas makabubuting dahan dahan itong itigil. Mahalaga din ang emosyonal na suporta sa ina, dahil sa pagtigil ng pagpapasuso, pwedeng mag iba ang hormones ng ina, na pwedeng makadagdag sa panganib ng postpartum depression.

Mga Maling Paniniwala sa Pagpapasuso

Maraming maling paniniwala sa pagpapasuso na kailangang linawin. Halimbawa:

  • Mito: "Kapag masakit ang pagpapasuso, normal lang iyon."
  • Katotohanan: Ang masakit na pagpapasuso o may sugat na utong ay maaaring senyales ng maling pagdikit ng sanggol. Dapat kumonsulta sa lactation expert kung ito ay nagpapatuloy.
  • Mito: "Hindi sapat ang gatas ng ina para busugin ang sanggol."
  • Katotohanan: Ang gatas ng ina ay sapat at kompletong sustansya para sa sanggol, lalo na sa unang anim na buwan.
  • Mito: "Kapag may sakit ang ina, hindi na dapat magpasuso."
  • Katotohanan: Maliban sa ilang partikular na sitwasyon, maaari pa ring magpasuso ang ina kahit may sakit. Karamihan sa mga sakit tulad ng sipon at trangkaso ay hindi nakakaapekto sa pagpapasuso. May mga sitwasyon na hindi nararapat ang pagpapasuso katulad ng mga ina na umiinom ng ilang gamot(chemotherapy), HIV, at active Tuberculosis. Kung may pagdududa, kumonsulta sa doktor.

Paglutas sa Masakit na Pagpapasuso at Sugat na Uto

Kung nakakaranas ng masakit na pagpapasuso o may sugat na utong, narito ang ilang tips:

  • Tamang Latch: Siguraduhin ang tamang pagkakadikit ng sanggol. Maaaring kumonsulta sa lactation consultant para sa tamang teknik.
  • Paggamit ng Nipple Cream: Ang lanolin cream ay nakakatulong sa mabilis na paghilom ng sugat na utong.
  • Pagbabago ng Posisyon: Ang pagpalit ng breastfeeding position ay nakakabawas ng pressure sa mga sensitibong parte ng utong.
  • Pagpapahinga: Kung labis ang sakit, maaaring gumamit ng breast pump sa loob ng 1-2 araw habang gumagaling ang sugat.

Kahalagahan ng Pagpapasuso

Ang pagpapasuso ay hindi lamang para sa pagpapakain. Ito ay:

  • Espesyal na paraan ng pagpapadama ng pagmamahal
  • Pundasyon ng malusog na pisikal at emosyonal na pag-unlad ng sanggol
  • Natural na paraan ng pagbuo ng matibay na mother-child bond

Sa pamamagitan ng wastong pagpapasuso, nabibigyan ng:

  • Pinakamainam na nutrisyon para sa unang 6 na buwan
  • Proteksyon laban sa mga karaniwang sakit ng sanggol
  • Mas matatag na immune system

Paalala sa Mga Ina

Ang pagpapasuso ay isang magandang karanasang puno ng pagmamahal. Huwag mag-atubiling humingi ng suporta mula sa:

  • Mga sertipikadong lactation counselor
  • Pampublikong health center
  • Mga support group para sa nagpapasusong ina

"Magpasuso nang may pagmamahal - ito ang pinakamagandang regalo para sa kinabukasan ng iyong anak!"

Cart 0

Your cart is currently empty.

Start Shopping